Success isn't about how much money you make. It's about the difference you make in people's lives.

Saturday, June 20, 2015

On Saturday, June 20, 2015 by Kuya Sid in    No comments


Welcome Tambayers!

 Lagi nating sinasabi sa ating mga readers na kung nais natin ng pagbabago, kailangan lang din nating gumawa ng bago. Mga bagong bagay o gawain na magpapabago sa estado ng ating buhay.

 Kung hirap ka sa buhay ngayon, gumawa ka ng aksyon na magaahon sayo sa kahirapan. 

Kung kulang ang iyong sweldo sa pang-araw araw na gastusin, gumawa ng paraan upang madagdagan ang iyong kinikita. 

Kung kulang ang iyong kaalaman ukol sa usaping pinansyal, magbasa ng mga libro, bumisita sa mga blog sites o dumalo sa mga seminar ukol dito. 

Ang kapalaran natin ay nasa ating mga kamay. Kung anuman ang nangyayari sa atin ngayon, yan ay resulta lamang ng mga bagay na ginawa natin kahapon. Kaya kung nais natin ng magandang bukas para sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay, marapat lang na gumawa tayo ng aksyon na makakapagpaganda ng ating kinabukasan. 

Kung patuloy lamang nating gagawin ang palagi nating ginagawa, malamang ay paulit ulit lang din ang mangyayari sa atin. Kung di ka pa rin gagawa ng aksyon, di ka pa rin makakaalis sa kinalalagyan mo ngayon. Ika nga ni Albert Einstein, “Insanity is doing the same thing over and over again and expecting different results.” 

Narito ang ilang mga tips na makakatulong sa atin para maisaayos ang ating buhay-pinansyal.      



1.)  Mamuhay ng simple. 

Iwasan ang “Fiesta” mentality. Hindi porke maraming handa ang kapitbahay mo, eh maghahanda ka na rin ng bongga?! Ika nga sa kanta” Simpleng buhay ay kayganda…” Huwag mamuhay ng magarbo kung hindi naman kaya ng bulsa.Unahin ang mga bagay na Kailangan (Needs) kaysa sa mga mga bagay na gusto mo lang (Wants).      



2.)  Planuhin ang iyong pananalapi. 

Magplano! Ito ang pinakamabisang paraan kung nais mo ng magandang buhay sa kasalukuyan at sa kinabukasan. Matutong mag-budget, magimpok at mag-invest. Pagkatanggap ng sweldo, unahing bayaran ang sarili sa pamamagitan ng pag-iipon at pagiinvest bago pa man ang anumang gastusin. Sabi nga ng mga financial experts, “Pay yourself first”.      



3.)  Huwag gumastos ng higit sa kinikita. 

Ito ang bagay na madalas nating nakakalimutan o ipinagsasawalang-bahala. Hindi tayo dapat gumastos ng higit pa sa ating kinikita, dahil “Utang” ang kalalabasan nito. Naalala mo pa ba ang kwento ng tsinoy businessman?(kung hindi pa, basahin mo dito). Dapat na “kumukurot” lamang tayo kapag gumagastos at hindi “dumadakot” at lalong hindi “umuutang” para lang ipambili ng mga bagay na hindi naman talaga kailangan.      



4.) Kung may utang, bayaran sa lalong madaling panahon. 

Upang hindi mabaon sa utang, i-priority ang pagbayad nito sa lalong madaling panahon. Unahin ang mga utang na may malaking interes kaysa sa maliit na interes. Ang pagkakaroon ng maraming utang ay hindi lamang nakakaapekto sa ating buhay-pinansyal, kundi pati na rin sa ating relasyon sa ibang tao. Nababawasan ang tiwala nila sa atin kung hindi tayo makakapagbayad sa araw na ipinangako natin sa kanila.                



5.)  I-monitor ang pag-gastos. 

Mainam na namomonitor natin ang ating pag-gastos. Kapag ginagawa natin ito, mas nakokontrol natin ang ating pera, dahil nakikita natin kung saan ito napupunta. Sa ganitong paraan din, mas mapa-prioritize natin ang mga bagay na talagang kailangang pagkagastusan. Makakatulong din kung ililista natin ang mga kailangang bilhin bago pumunta sa grocery o tindahan.      



6.)  Bumuo ng Emergency Fund. 

May mga bagay talaga na hindi natin inaasahan, kaya maigi ng maging handa sa lahat ng oras. Kaya naman ipinapayo na bumuo ng tinatawag na Emergency Fund (basahin ang aking post tungkol sa pag-buo ng Emergency Fund, dito) upang mayroon tayong madudukot sa oras ng pangangailangan gaya ng pagkawala ng trabaho o pagkakasakit ng ating mahal sa buhay.      



7.) Kumuha ng Insurance. 

Madalas na hindi ito nabibigyan ng ibayong pansin ng maraming pamilyang Pinoy ngunit napakahalaga ng bagay na ito. Ang Insurance (life & non-life) ay isa sa pundasyon upang maging matatag ang ating buhay-pinansyal. Bukod sa Emergency Fund, kailangan din natin ng insurance upang mabigyan ng proteksyon ang ating pamilya gayundin ang ating mga ari-arian kapag kinuha na tayo ni Lord(huwag muna sana.lol). :D      



8.) Magdagdag ng extrang pagkakakitaan. 

Kung ang ating sweldo ay hindi sapat para tayo ay makapag-ipon, mainam na magdagdag ng extrang pagkakakitaan bukod sa ating trabaho upang mas lalong mapabilis ang paglago ng ating pinansyal. Sa panahon ngayon, hindi mo na kailangang lumabas ng bahay para magkaroon ng extra income, dahil nariyan na mga oportunidad na kung saan pwede kang kumita online gamit ang computer na may internet connection. Gaya ng blogging, online job, affiliate marketing, etc.      



9.)  Mag-invest sa Stocks, Mutual fund o UITF (Retirement Fund). 

Sa buhay ng tao, dalawang bagay lamang ang pwedeng mangyari, una, maaga tayong mawawala sa mundo(kaya kailangan natin ng insurance para sa ganitong senaryo), pangalawa, mabuhay pa tayo ng matagal sa mundo, dito papasok ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Retirement Fund sa pamamagitan ng pag-iinvest sa Stock Market, Mutual Fund, UITF o iba pang investment instruments na makakapagpalago ng ating kaperahan sa paglipas ng panahon. Tandaan natin, na kapag tayo ay nagretiro, wala na tayong income na inaasahan at di natin pwedeng iasa na lang ang lahat sa ating mga anak dahil sila rin mismo ay may problemang pinansyal. 



10.)Mag-bahagi sa simbahan o charitable institution. 

Ang pinaka-importanteng investment sa lahat ay ang investment natin sa langit. ;)  

Maglaan ng ilang bahagi ng ating kinikita bilang “tithing” o handog natin bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang ating natatanggap. Ang lahat ng ito ay utang natin sa kanya, kaya marapat lamang na ibalik natin ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ating mga blessings sa simbahan o sa mga charitable institution. Hindi lamang pera ang maaari nating ibahagi sa iba, maari rin tayong tumulong sa ibang tao sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ating kaalaman, talento at lakas na ikabubuti ng ating kapwa o ng ating pamayanan. 


That's it for today ka-Noypi! :D 

Kung nagustuhan mo ang ating post ngayong araw, ibahagi mo rin ito sa iba.

⇦Feel free to share it to your family & friends. 

0 comments:

Post a Comment