Success isn't about how much money you make. It's about the difference you make in people's lives.

Sunday, June 21, 2015

On Sunday, June 21, 2015 by Kuya Sid in    No comments

Welcome ka-Noypi!
 Kamusta naman ang ating kaperahan? 
Nawa’y nagagamit mo ito sa tamang kapamaraanan. 
Bawat tao ay may kanya-kanyang paraan kung paano niya hinahawakan ang kaniyang perang pinaghirapan. Ang pera ay maaari nating maging kakampi o kaaway depende kung paano natin ito ginagamit.

 Nais kong ibahagi sayo ang 8 bagay na dapat mong malaman tungkol sa pera… 


1.) Ang Pera ay isang “instrumento” lamang 

Ang pera ay isa lamang instrumento o kapirasong papel na ginagamit mo sa araw-araw upang mabili ang mga bagay na gusto mong makamit sa buhay, mga pagkain na gusto mong tikman o mapuntahan ang mga lugar na gusto mong puntahan. Ngunit ang totoong halaga ng pera ay nasa taong may hawak nito. Ikaw ang siyang may kontrol sa pera mo at ang pera ay pawang kasangkapan lamang at hindi ito maaaring maging basehan ng estado mo sa buhay. 

“Money is only a tool. It will take you wherever you wish, but it will not replace you as the driver.” ~Ayn Rand 


2.) Ang  Pera ay hindi masama at hindi rin mabuti 


Ang pera ay hindi masama at hindi rin mabuti. Nakadepende ito sa kung sino ang may hawak. Kung ang pera ay ginamit mo sa masama o galing sa masama, dun ito nagiging masama. Ngunit kung ang iyong pera ay sa mabuting paraan mo nakuha at ginagamit mo ito ng tama, dun ito nagiging mabuti. 

Ang maling pag-gamit ng pera ang siyang nagpapasama dito. Kaya naman, huwag mong gawing diyos at sambahin ang pera. Hindi natin ito madadala sa langit ngunit maaari natin itong maging kasangkapan upang makatulong sa ibang tao na mas nangangailangan.  

“The ultimate purpose of wealth is to help & to love others.” –Bo Sanchez  


3.) Ang Pera ay Mahalaga 


May mga nagsasabi na ang Pera ay hindi mahalaga pero patuloy naman silang kumakayod sa trabaho para kumita ng pera. May mga nagsasabing “Money can’t buy happiness” pero magiging masaya ka kaya kung nagigising ka sa gabi dahil sa iyak ng anak mong sanggol dahil sa gutom, kasi naman wala kang pambili ng gatas nya kaya puro tubig o sabaw ng sinaing na lang ang pinapainom mo sa anak mo. 

Ang sabi pa ng iba, di bale ng walang pera, basta sama-sama at masaya ang pamilya. Ngunit magiging masaya ba ang pamilyang kumakalam ang sikmura? Magagamot ba ng iyong yakap ang anak mong nilalagnat? Marami ang namamatay sa ospital, hindi dahil sa sakit kundi sa kawalan ng perang pambili ng mga gamot nila. 

Tandaan mo, ang Pera ay HINDI pinaka-importanteng bagay sa buhay PERO naaapektuhan nito ang lahat ng mga importanteng bagay sa buhay mo.

 “Money is not the most important thing in life, but it does affect everything that is important.” –Robert Kiyosaki 



4.) Ang  Pera ay hindi dapat gastusin BAGO pa kitain 


Huwag mong gastusin ang pera mo na hindi mo pa naman kinikita. Minsan wala pa nga ang sweldo mo, madami ka ng gustong bilhin, kaya naman umutang ka muna sa bumbay, sabagay su-sweldo ka naman sa katapusan. Ang kinalabasan? Nabaon ka sa utang! 

Kung ganito ang sitwasyon mo, itigil mo na ang kahibangang ito dahil siguradong ikapapahamak mo ang bagay na ito. Matutong magtiis at maghintay, huwag mong pilitin na hangarin ang isang bagay na wala ka pa namang perang pinanghahawakan. 

“Never spend your money before you have it.” –Thomas Jefferson 


5.) Ang dami ng Pera ay HINDI magpapayaman sayo 


Hindi porke marami kang pera o malaki ang sweldo mo ay mayaman ka na. Hindi porke nakapag-abroad ka at naka-iphone ka ay mayaman ka na. Hindi porke may magarang kotse ka o may LV bag ka ay mayaman ka na. Tandaan mo, Hindi ang dami ng pera ang magpapayaman sayo. 

Ang tunay na magpapayaman sayo ay kung paano mo ginagamit ang pera mo upang maghatid sayo ng mas maraming oras para sa pamilya mo. Paano nga ba makakamit ang tunay na time & financial freedom? Ito ay sa pamamagitan ng pagbili ng mga tinatawag na assets at pag-iwas sa mga liabilities.  

“Often, the more money you make, the more money you spend; that’s why more money doesn’t make you rich-Assets make you rich.” –Robert Kiyosaki 


6.) Ang Pera ay dapat hinahawakan ng TAMA 


Ang maling paghawak mo ng pera ang siyang magpapahamak sayo at sa iyong buhay pinansyal. Ang kakulangan sa kaalamang pang-salapi ay maaaring maging dahilan upang ikaw ay mabiktima ng mga financial scams. 

Planuhin ang iyong pananalapi! Hindi ito itinuturo sa mga eskwelahan(Ewan ko ba kung bakit), kaya naman gumawa ka ng paraan para ito ay iyong matutunan. Magbasa ng mga libro ukol sa Money Management o dumalo sa mga seminar na magtuturo sayo ng tamang paghawak ng perang pinaghirapan mo. 

“He who fails to plan is planning to fail.” –Sir Winston Churchill 


7.) Ang  Pera ay iniipon hindi itinatapon 


Ikaw ba ay isang “1-day millionaire” o yung taong “ubos-ubos biyaya, bukas nakatunganga”? 

Ilang lotto winners na ba ang naging mas mahirap pa sa daga pagkatapos magwagi ng milyon-milyon dahil sa hindi natutong mag-ipon bagkus “nagtatapon” ng kanyang pera sa pamamagitan ng pagbili ng mga bagay na magbibigay sa kanya ng pansamantalang satisfaction lamang imbes na bumili at mag-invest sa mga bagay na lalo pang magpapayaman sa kanya paglipas ng panahon. 

Dapat malaman mo na ang pera ay iniipon at hindi itinatapon. Maging gaya ng isang langgam na nag-iipon sa tag-araw upang mayroong makakanin pagdating ng tag-ulan. 

“Do not leave yourself or your family unprotected against financial storms... Build up savings.”-Ezra Taft Benson   


8.) Ang  Pera ay pwede mong pagtrabahuin 


Oo, tama ang nabasa mo. Kung ang alam mo lang ay ikaw ang dapat nagtatrabaho para kumita ng pera, puwes, outdated na yang paniniwala mo, dahil ang totoo pwede mong pagtrabahuin ang pera mo para kumita ng mas marami pang pera para sayo. Ang kailangan mo lang malaman ay kung saan mo dapat ilagak ang pera mo para lumago ito. 

Matutong mag-invest at mag-negosyo. Walang tao ang talagang yumaman bilang empleyado lang. Dahil ang tunay na mayaman ay maraming oras sa sarili at pamilya na hindi ipinagpapalit ang oras niya para kumita ng pera. 

 “Don’t work for the money; Let the money work for you.” –Robert Kiyosaki (Photo Credit : Kelvin Servigon) 


 *** Kung nagustuhan mo ang artikulo natin sa araw na ito, ibahagi mo rin ito sa iba ka-Noypi. =) 

Maaari mong gamitin ang ating sharing icons sa kaliwang bahagi ng ating site.

 Pwede ka ring mag-komento sa ibaba kung meron kang nais na idagdag o sabihin mo sa akin ang iyong opinyon tungkol sa ating topic ngayong araw. =)



Source: Dizkarteng Noypi

0 comments:

Post a Comment